Sa Pagbuka ng Bibig ni Pedro
- Gian Carlo Salva
- Oct 19, 2018
- 3 min read
Updated: Oct 20, 2018
Sa mga oras na ito posibleng may isang tao na naman na umiiyak dahil siya ay napahiya sa loob nang klase. Posibleng may isang bata na ngayon ay pinagagalitan dahil natabig niya ang mahal na plorera nang kaniyang ina. Marahil ngayon may isang tao na nasasaktan dahil sa mga masasakit na salita na sa kaniya’y ibinabato.

Bawat isa sa atin ay may dignidad na pinangangalagaan. May pangalan na ating pakaiingat-ingatan. Mayroong respetong pinaghihirapan. Lahat tayo ay mayroon lamang na magkakahalintulad na oras at panahon upang mapatunayan at gawing mabango ang ating pangalan. Dalawampu’t apat na oras, 1,440 na minuto sa loob nang isang araw, ito lamang ang oras na maaari nating gamitin upang pagpapalawig ang tiwalang ibinibigay sa atin.
Mula pagkabata ay binigyan na tayo nang pagkakataon upang buuin at hubigin ang ating pagkatao. Dignidad ang pundasyon ng ating pagkatao. Ito ay nahuhubog sa pamamagitan pagharap natin sa mga pagsubok at pagkakamali na ating nagagawa. Upang matuto ay kinakailangan nating madapa at masaktan para masusing mahubog ang ating pagkatao.
Pinaghihirapan, pinagsisikapan, at pinagtitiyagaan, ganiyan ang pinagdadaanan nang bawat isa sa pagkamit ng ninanais na mabangong pangalan. Ngunit papaano kung ang pangalang iyong pinakaiingat-ingatan ay walang pakundangan kung yurakan, dumihan at tapak-tapakan na lamang nang isang tao? Ano nalang kaya ang maaring mangyari?
Hindi na bago ang ganitong sistema sa panahon natin ngayon kung saan ang isang tao ay tahasang hinahatak pababa ang kaniyang kapuwa o mas kilala sa mentalidad na utak alimasag (Crab Mentality). Talamak na ang ganitong kagawian sa halos lahat ng sulok sa buong mundo. Sa panahon natin ngayon maski musmos na batang mag-aaral ay natututong manlait at manakit nang damdamin nang kaniyang kapuwa. Paano pa kaya ang mas nakatatanda at mas nakaaalam?
Ang mga taong nagiging biktima nang ganitong masalimuot na pangyayari ay hindi lamang kawalan ng kumpiyansa sa sarili ang nararanasan kung hindi pati narin ang kawalan ng dignidad. Nagkakaroon na sila ng masamang impresyon sa kapaligirang kanilang ginagalawan. Unti-unting napapabyaan ang sarili at napapawalang halaga ang kanilang imahe sa mundong ito. Lahat ng mga salik maaring magtulak sa isang tao upang gumawa ng masama at hindi kanais-nais na nagiging daan upang mapariwara at mawala sa tamang landas ang isang tao.
Para hindi humantong sa ganoong estado, dapat ay maging malakas ka sa pag-harap sa lahat ng mga masasakit na salitang iyon. Huwag mong indahin ang mga salitang walang katotohanan na binabato nila, bagkus gawin mo itong oportunidad upang tingnan ang mga bagay na maari mo pang palaguin sa iyong sarili. Maari mong makita ang mas magandang ikaw kung sisiyasatin mong mabuti ang iyong kalooban sa pamamagitan nang pagsasa-alang-alang nang mga totoong sinasabi nang iba. Siguro ito na ang tamang oras na upang tingnan ang iyong sarili sa salamin upang kilalanin at alamin ang tunay mong pagkakakilanlan at pagkatao.
Bagama’t masakit sa damdamin ang pag-salo nang mga paratang na walang basehan at pangungutya, dapat mo itong harapin nang may tapang dahil lahat ng mga salitang iyon ay naglalayon lamang na pabagsakin ka at hilahin paibaba. At kung ikaw ay magpapadala at iindahin ang mga ito, siguradong magtatagumpay lamang ang mga taong naglalayong pahinain ang loob mo.
Ikaw ang may akda ng buhay mo. Panoorin ito upang mas maunawaan at malinawan:
Lahat tayo ay darating at darating sa punto nang ating buhay na mararanasan natin ang mga ganitong pagsubok. Ito ay hinding hindi natin maiiwasan sapagkat ito ay parte nang ating buhay upang lubos nating makilala ang ating mga sarili at mas mapatatag ang ating kalooban. Ito ang natatanging susi at daan para mapalago natin ang ating pagkatao. Harapin natin ang hamon at huwag na huwag tayong susuko.
Nasasaiyo kung papaano mo gagamitin ang mga salitang walang basehan at hindi man lamang pinag-iisipan na ibinabato sa iyo. Kung ito ba ay makasasakit at makasasama lamang o kung ito’y gagamitin mo upang maging iyong motibasyon para gumawa nang mabuti. Tandaan, sa iyong desisyon nakasalalay ang lahat, kung ikaw ay magiging marupok ikaw ang magiging talo.
ความคิดเห็น